Panelo: Pangakong dobleng sweldo sa mga guro di nalilimutan ng pangulo
Hindi tinatalikuran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangakong dodoblehin ang sweldo ng mga guro.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa ngayon ay paunti unti na muna ang pagbibigay ng umento sa sahod sa mga guro sa pamamagitan ng salary standardization law dahil naghahanap pa ng pondo ang pamahalaan para dito.
Tiniyak pa ni Panelo na darating din ang panahon na matutupad ng pangulo ang kanyang pangako na madoble ang sahod ng mga guro kapag nakahanap na ng mapagkukunan ng pera.
Matatandaang sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Lunes ay hinimok nito ang kongreso na balangkasin na ang salary standardization law para sa mga kawani sa gobyerno.
“Ibig sabihin ni Presidente, habang wala pa yung budget ‘yan muna. Pupunta tayo doon. Hindi ba, ilang beses niya na ring sinabi yun, eh. Hinahanapan nga ng source. Pati nga DBM naghahanap din eh”, ayon pa sa kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.