Cayetano: Kamara ‘united’ sa SONA ngayong araw
Nanindigan si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na nagkakaisang tutungo ang Kamara sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang hapon.
Isang all-party caucus sa Bonifacio Global City ang isinagawa araw ng Linggo kasama ang presumptive leaders ng Kamara para sa 18th Congress.
Sa isang Facebook live ni Cayetano, makikitang kasama niya sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez at ang marami pang kongresista.
Ayon kay Cayetano, nagkakaisa ang Kamara dahil sa pare-pareho nilang adhikain.
Magugunitang pinalutang ni Pangulong Duterte ang 15-21 term sharing scheme sa Speakership ng 18th Congress sa pagitan nina Cayetano at Velasco.
Si Romualdez naman ang magsisilbing majority leader.
Iginiit ni Cayetano sa kanyang FB live na lahat ng major political parties, blocs, advocacy groups, at party-lists ay dumalo sa caucus.
Pinabulaanan ng incoming House Speaker ang isyu ng diktahan at takutang nangyayari sa Kamara.
Tiniyak din ni Cayetano na itutulak ang legislative agenda ng presidente.
Ihahalal ang bagong Speaker ngayong Lunes ilang oras bago ang SONA ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.