Bautista, naniniwalang “honest mistake” ang pagkakamali sa COC ni Poe
Naniniwala si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na isang “honest mistake” lamang at hindi material representation ang nagawa ni Sen. Grace Poe sa kaniyang certificate of candidacy (COC).
Namumukod-tangi si Bautista sa lahat ng mga commissioners na nagtibay sa desisyon ng second division na kanselahin ang COC ni Poe, na naiiba ang pananaw tungkol dito.
Sa inilabas niyang 53-pahinang hiwalay na opinyon hinggil sa petisyong inihain ni Atty. Estrella Elamparo, iginiit ni Bautista na hindi siya naniniwalang nakagawa ng material misrepresentation si Poe sa kaniyang COC nang ilagay nito na 10 taon na siyang naninirahan sa Pilipinas bago ang gaganaping eleksyon.
Bukod dito, para rin kay Bautista, isang natural-born citizen ang Senadora.
Aminado naman si Bautista na hindi talaga napunan ni Poe ang 10-year residency requirement, pero aniya, “satisfied” naman siya sa paliwanag ng senadora na siya ay nakagawa ng isang “honest mistake” hinggil dito.
Base kasi sa kaniyang inihaing motion for reconsideration, mali ang kaniyang naging interpretasyon nang sagutin ang bahagi ng COC kung saan tinatanong ang “period of residence to the Philippines before May 13, 2013”.
Ngunit sa kabila ng pagtanggap sa paliwanag ni Poe, kinwestyon naman ni Bautista ang intensyon ng senadora na manatili sa bansa dahil nag-hain lamang siya ng reacquisition ng kaniyang citizenship noong July 10, 2006 o mahigit isang taon matapos ang sinasabi niyang pagsisimula ng paninirahan niya rito sa bansa.
Dapat aniya ay mas maagang ginawa ni Poe ang kaniyang reacquisition ng Filipino citizenship, o kahit man lang kumuha ng immigrant visa o immigrant residence certificate.
Giit ni Bautista, maaring nagpapakita ito ng kakulangan ng intensyon na permanenteng manirahan sa bansa, ngunit hindi naman nito iminumungkahi na intensyon nitong mang-lito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.