State of Calamity idineklara sa Cavite at Zamboanga Sibugay dahil sa dengue
Isinailalim sa state of calamity ang mga lalawigan ng Cavite at Zamboanga Sibugay dahil sa tumaas na kaso ng dengue at nasawi dahil sa sakit.
Ang deklarasyon ng state of calamity sa Cavite ay inanunsyo ni Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. araw ng Huwebes matapos ang rekomendasyon ng Sangguniang Panlalawigan at ng Provincial Health Office (PHO).
Sa datos ng PHO, umabot na sa 3,605 ang dengue cases sa lalawigan mula January 1 hanggang July 13, mas mataas ng isanlibo sa 2,670 sa kaparehong panahon noong 2018.
Idineklara rin ang dengue outbreak sa mga lungsod ng Dasmariñas at General Trias at mga bayan ng Alfonso, Carmona, General Mariano Alvarez (GMA), Indang, Naic at Silang.
Umabot na sa 18 ang nasawi dahil sa sakit na karamihan sa tinatamaan ay mga bata.
Samantala, sinabi ni Department of Health (DOH) – Zamboanga assistant regional director Dr. Joshua Brilliantes na umabot na sa 2,885 ang dengue cases sa Zamboanga Sibugay mula January 1 hanggang July 13, mas mataas ng higit dalawanlibo mula sa 126 cases sa kaparehong panahon noong 2018.
Pinakamarami ang kaso ng sakit sa bayan ng Ipil, na sinundan ng mga bayan ng Diplahan, Buug, Payao, Roseller Lim, Kabasalan, Alicia, Titay, Naga at Siay.
Sa kabuuan naman ng Zamboanga Peninsula, umabot na sa 51 ang namatay sa dengue mula sa 9,104 kaso ng sakit.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay magbibigay daan upang magamit ng mga lokal na opisyal ang emergency funds para mapalakas ang dengue prevention measures.
Ang hakbang ng dalawang probinsya ay ilang araw lamang matapos ideklara ng DOH ang national dengue alert.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.