Malawakang tigil-pasada vs PUV modernization ikinasa ng transport groups
Ikinasa ng mga transport groups ang nationwide strike o malawakang tigil-pasada bilang protesta sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.
Pahayag ito ni Alliance of Concerned Transport Organization (Acto) president Efren de Luna araw ng Lunes kasabay ng protesta ng grupo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Tutol ang Acto sa probisyon ng modernization program na sa tingin nila ay imposible para sa mga driver at operator na sundin gaya ng requirement na magkaroon ng sariling depot o terminal.
Nakatakda sana kahapon ang nationwide transport strike pero hindi natuloy dahil umaasa pa rin ang mga organizer na matutugunan ng gobyerno ang kanilang problema.
Pero dahil wala umanong tugon ang pamahalaan kaya ang sunod na hakbang ng grupo ay malawakang transport strike na itinakda nila sa buwan ng Sityembre.
“Pero ang lumabas, wala silang kasagutan, nagtago sa looban ng kanilang ahensya, kaya sa susunod, magkakaroon na kami ng malawakang transport strike na sasamahan na tayo ng iba’t ibang samahan. Ito, pwedeng mangyari ito sa darating na September, dahil kabuhayan namin ang nakataya,” ani De Luna.
Ang Acto ay binubuo ng alyansa ng mga grupo kabilang ang mga driver at operator ng mga jeepney, UV Express, taxi, bus at transport network vehicle service (TNVS).
Ang PUV modernization program, na inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) noong 2017, ay nag-oobliga sa mga operator na palitan ang mga lumang modelo ng sasakyan na Euro-4 powered at mga units na alinsunod sa industry standards.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.