Dalawang kumpanya ng bus na nasangkot sa magkahiwalay na insidente kahapon, maaring pagpaliwanagin ng LTFRB
Magpapalabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa dalawang bus companies na nasangkot sa magkahiwalay na aksidente kahapon, araw ng Huwebes (July 11).
Ayon sa LTFRB, pagpapaliwanagin ang Philippine Rabbit Bus Lines Inc. (PRBLI) at ang AC Trans at pasasagutin kung bakit hindi dapat sila mapatawan ng suspension matapos ang kinasangkutang insidente.
Kahapon, isang Philippine Rabbit bus na may plate number ECM 9292, ang lumampas sa railings ng tulay sa NLEX Northbound sa Barangay San Felipe, City of San Fernando, Pampanga.
Bumagsak ang unahang bahagi ng bus sa isang pribadong sasakyan na nasa ilalim ng tulay at limang katao ang nasugatan.
Samantala, kahapon din, isang AC Trans bus na may plate number TXY 780 ang nagliyab habang binabagtas ang southbound lane ng EDSA Caloocan.
Dalawang pasahero naman ng naturang bus ang napaulat na nasugatan.
Ayon sa LTFRB, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa dalawang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.