Pangulong Duterte nahirapan sa pagpili ng susunod na Speaker
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naranasang hirap sa pagresolba sa isyu ng agawan sa speakership para sa 18th Congress.
Sa appreciation dinner para kay dating pangulo at Speaker Gloria Macapagal Arroyo Martes ng gabi, inalala ni Duterte ang paghingi ng pabor kay Arroyo na pumili ng kanyang successor.
Nagbiro pa si Duterte na muling ipakukulong si Arroyo kung hindi ito makakapamili.
Gayunman ay tumanggi si Arroyo na magdesisyon sa isyu ng House Speakership.
Ayon kay Duterte, lubhang napakahirap magdesisyon sa isang bagay na magiging bahagi ng kanyang pamumuno sa bansa sa nalalabing mga taon ng kanyang pagkapresidente.
“That was how hard it is or was to really do something or decide on something which would be a part of the governance of our country hereon and for the next, the remaining years of my presidency,” ani Duterte.
Magugunitang nauna nang tumanggi si Duterte na pumili sa tatlong kandidato sa pagka-House Speaker na lahat ay kanyang ikinokonsiderang kaibigan.
Ngunit upang maayos ang gusot sa Kamara ay inanunsyo ni Duterte ang pag-endorso kina Taguig City Representative Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang mga susunod na House Speaker sa pamamagitan ng term-sharing agreement.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.