Mga magulang muling hinikayat na samantalahin ang libreng immunization program ng gobyerno
Muling hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na samantalahin ang free immunization program ng gobyerno para maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa mga vaccine-preventable diseases.
Kahapon, July 9, pinangunahan ni Health Sec. Francisco Duque III ang isang school-based immunization program (SBI) sa Apolonia Rafael Elementary School sa Valenzuela City.
Iginiit ni Duque na walang dahilan para hindi pabakunahan ang mga bata dahil ang bakunang ibinibigay ng gobyerno ay dekalidad, ligtas at libre.
“There is no reason not to get your children [vaccinated]… because the vaccine which the government offers is safe, quality and free,” ani Duque.
Napatunayan na rin anya na ang mga bakunang ito ay epektibo.
Inihayag naman ng kalihim ang planong gawing mandatory ang school-based immunization ngunit kailangan pa anya itong talakayin kasama ang mga stakeholders.
Magugunitang naapektuhan ang immunization program ng gobyerno dahil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Kalaunan ay idineklara ang measles outbreak sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ang school-based immunization campaign ng DOH ay layong mabakunahan ang siyam na milyong kindergarten hanggang Grade 7 students sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Makatatanggap ang mga bata ng measles-containing vaccine (MCV), Human Papillomavirus vaccine (HPV) at booster shots para sa Tetanus-diphtheria.
Ang mga bata na may parental consent lamang ang binabakunahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.