Daan-daang piraso ng baril nabawi sa Oplan Katok sa Quezon Province
Aabot sa 44 katao na hinihinalang may-ari ng ilegal na armas ang naaresto sa pinaigting na operasyon sa Quezon province simula March 2019.
Sa press briefing sa Camp Nakar, iprinisinta ni Quezon Police Director Col. Ramil Montilla ang nakumpiskang mahigit-kumulang walong daang iba’t ibang uri ng baril.
Aniya, umaabot sa 64 na armas ang nakumpiska sa mga police operation habang 797 na baril naman ang boluntaryong isinuko dahil sa pagkakapaso ng kanilang License to Own and Possess Firearms.
Tiniyak naman ni Montilla na patuloy ang pagpapaigting ng kanilang Oplan Katok sa mga susunod na araw.
Sa ilalim ng operasyon, bibisitahin ng pulisya ang mga bahay ng mga may-ari ng baril na may paso nang lisensya.
Kakausapin ang mga may-ari ng baril na isuko ang armas at magsimula sa pagpapa-renew o aplikasyon ng lisensya.
Sinumang lumabag dito, maaring masampahan ng kasong Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act at Illegal Possession of Explosives Act.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.