Duterte: Term-sharing nina Cayetano at Velasco bilang house speaker tuloy na
Binasag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pananahimik sa isyu ng pagpili ng susunod na House Speaker.
Nauna nang sinabi ng pangulo na hindi siya makikisawsaw sa nasabing isyu at noong nakalipas na buwan ay kanya pang sinabi na si dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na lamang ang siyang pipili ng susunod na lider ng Kamara.
Sa kanyang talumpati sa Malacanang makalipas ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng gobyerno ay sinabi ng pangulo na tuloy ang term-sharing sa pagka-speaker.
Ito ay sa pagitan nina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco samantalang uupo naman bilang majority leader si Leyte Rep. Martin Romualdez na isa rin sa mga kandidato sa pagka-speaker.
“I think it’s about time I talk. Your Speaker will be Alan Peter Cayetano. He will share the term with Lord Velasco and si Romualdez will be the majority floor leader”, ayon kay Duterte.
Nauna dito lumabas ang mga balita na nakapulong nina Cayetano at Velasco ang pangulo para sa 15-21 sharing.
Labinglimang buwan na magiging pinuno ng Kamara si Cayetano samantalang 21 buwan naman si Velasco.
“I tried to distance myself, but it’s time that I talked”, dagdag pa ng pangulo.
Gayunman ay magiging depende pa rin ang resulta ng bagong liderato ng Kamara sa magiging pagboto ng mga kongresista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.