Lorenzana, binati ang ‘clean-up campaign’ ni Moreno sa Maynila
Binati ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mabilis na pag-aksyon ni Manila Mayor Isko Moreno para solusyunan ang mga problema sa lungsod.
Sa ipinadalang mensahe sa kampo ni Moreno, pinuri ni Lorenzana ang kampanya ng bagong alkalde sa pag-aayos sa mga masisikip na lugar partikular sa Divisoria.
Aniya, bibisitahin niya si Moreno para personal na batiin sa magandang pamamalakad sa lungsod ng Maynila.
Dagdag pa ng opisyal, ang katulad ni Moreno ang kailangan ng bansa ngayon.
Maliban kay Lorenzana, binati rin si Moreno ni DILG Secretary Eduardo Año.
Aniya, dapat maipagpatuloy ni Moreno ang magagandang reporma hanggang matapos ang kaniyang termino.
Dapat din aniyang maalis ang mga informal settler sa mga creek at mapanganib na lugar para makatulong sa rehabilitation program ng Manila Bay.
Kasunod nito, nangako naman si Moreno sa administrasyon na magiging consistent sa misyon para muling ibangon ang Maynila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.