P1.3 milyong pera at ilang baril, nakumpiska sa bahay ng dating pulis sa Las Piñas City
Nakumpiska ng mga otoridad ang P1.3 milyong halaga ng pera at ilang armas sa bahay ng dating pulis na sangkot umano sa kaso ng kidnapping sa limang Chinese national sa Las Piñas City.
Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) at Las Piñas City Police ang bahay ni dating Staff Sgt. Magdaleno Fernandez Pacia Jr. at live-in partner nitong si Andrelyn Gayumali Naldoza sa Barangay Pulang Lupa Uno noong 5:00, Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon kay PNP-AKG director Brig. Gen. Glenn Dumlao, naaresto si Naldoza sa isa sa kanilang ari-arian sa nasabing barangay ngunit wala si Pacia nang magsagawa ng operasyon ang pulisya.
Maliban sa pera, nakuha rin sa tinitirhang bahay ni Naldoza ang dalawang caliber 45 na baril, 9mm pistol, ilang bala para sa iba’t ibang uri ng baril, hand grenade at ilang cellphone.
Kasama ring nasamsam ang police uniform ni Pacia kasama ang name plate, bull cap at mga badge na may logo ng National Bureau of Investigaton (NBI).
Nakuha rin sa kaparehong bahay ang 150 Visa cards, 30 piraso ng credit card at pitong identification card na may pangalang Angel Vertucio.
Ani Dumlao, dating naitalaga si Pacia sa Southern Police District (SPD) sa nasibak sa pwesto noong April 2018 dahil sa umano’y pagnanakaw at illegal possession of explosives.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.