Verbal agreement nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping hindi uubra sa impeachment complaint
Naniniwala sina Senate Minority Leader Frank Drilon at Senator Panfilo Lacson na hindi maaaring gamitin basehan ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang sinabi nitong ‘verbal agreement’ nila ni Chinese President Xi Jinping ukol sa pag-aagawan sa West Philippine Sea.
Aniya mahirap na patunayan ang sinasabing kasunduan ng dalawang opisyal dahil hindi rin naman maaring pilitin si Pangulong Duterte na tumestigo laban sa kanyang sarili.
Pagdidiin ni Drilon, sa anuman paglilitis sa korte kailangan may ebidensya at ang anumang naisapublikong detalye ng sinasabing usapan ay ituturing na haka-haka lang.
Naniniwala din ito na tulad ng Pilipinas, ipipilit lang ng China ang karapatan nila na mangisda sa anumang bahagi ng West Philippine Sea o South China Sea dahil iginigiit nila na sila ay nasa loob ng kanilang teritoryo.
Samantala, sinabi ni Lacson na ang sinasabing verbal agreement ng dalawang pangulo ay hindi pa naman itinuturing na pambansang polisiya kayat hindi rin ito ipinatutupad ng Defense at Foreign Affairs Department.
Kayat, ayon kay Lacson, makakabuti na hindi na lang pansinin ang nasabing ‘verbal agreement’ ngunit pinuna nito ang pagbibigay ng pahayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo base lang sa mga inaasahan niyang magiging hakbang ng Malakanyang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.