Impeachment laban kay Pangulong Duterte malabong umusad sa Kamara – Rep. Castro
Naniniwala si Capiz Rep. Fredenil Castro na malabong umusad ang anumang balak na paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte ngayong 18th Congress.
Ayon kay Castro, hindi impeachable offense ang pagpayag ni Pangulong Duterte na makapangisda ang China sa EEZ dahil ito ay “by accommodation” o tolerance lamang habang pinaguusapan pa ng mga claimants ang Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea.
Hindi aniya ito impeachable offense dahil hindi naman ipinamimigay ng pangulo ang ating teritoryo at soberanya sa China kundi ito ay simpleng pakikisama lamang upang hindi magkagulo habang pinag-uusapan at dina-draft pa ang lalamanin ng COC.
Tiwala din si Castro na hindi permanente at hindi pababayaan ni Pangulong Duterte ang pagpayag nitong makapangisda ang mga Chinese sa ating teritoryo.
Dagdag pa ng kongresista, “numbers game” pa rin ang impeachment process at walang kapupuntahan ang paghahain ng impeachment case dahil marami ang kakampi ng pangulo sa Kongreso.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng paglutang ng usapin ng paghahain ng impeachment case laban sa pangulo dahil sa pagpayag nito na makapangisda ang China at Vietnam sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.