Bagong GM ng PSCO hindi uupo sa pwesto hangga’t hindi nakakapanumpa
Hindi tulad ng inaasahan, hindi sumipot sa opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) si Royina Garma, ang bagong talagang General Manager ng ahensya.
Kahapon, July 1, inaasahang uupo na sa kanyang pwesto ang Cebu City police chief.
Hinintay si Garma ng mga empleyado ng PCSO at ng mga mamamahayag sa flag ceremony kung saan inaasahang magbibigay ito ng maiksing talumpati ngunit hindi ito dumating.
Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7) director Police Brig. Gen. Debold Sinas na mananatiling director ng Cebu City Police si Garma hangga’t wala pang official order para sa pag-upo nito bilang GM ng PCSO.
July 1 dapat epektibo ang retirement ni Garma sa PNP.
Dahil dito, hindi muna makakaupo si Police Colonel Gemma Cruz Vinluan bilang bagong Cebu City Chief.
Inaasahan namang darating na ang official order sa pag-upo ni Garma sa PCSO ngayong linggo.
Sinabi naman ni Sinas na malaking kawalan sa pulisya si Garma na napakarami umanong nagawa bilang unang babaeng police director ng Cebu City Police.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.