DPWH nagtatayo ng mas maraming evacuation centers
Nagtatayo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mas maraming evacuation centers sa buong bansa upang maiwasan ang paggamit sa classrooms tuwing may kalamidad na nakakaapekto naman sa klase.
Sa Pre-SONA 2019 Economic and Infrastructure Sector forum araw ng Lunes, sinabi ni DPWH Sec. Mark Villar na umabot na sa 82 evacuation centers sa 52 lalawigan ang nabuo ng gobyerno hanggang May 2019.
Sa kasalukuyan anya ay may 55 evacuation centers pa ang itinatayo.
“Alam naman natin mga problema sa eskuwelahan. Minsan nagkakaroon ng kalamidad lahat ng evacuees ay ilalagay sa mga eskuwelahan at nakaka-disrupt ng klase kaya malawak po yung plano ng gobyerno para maglagay ng evacuation centers sa lahat ng probinsiya,” ani Villar.
Layon ng pagbuo ng mga evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa na maiwasan ang pagkaantala ng klase tuwing may kalamidad.
“We’ve built many evacuation centers, of course, hopefully, we don’t have to use it. Ayaw din nating magkaroon ng kalamidad pero ang importante lang kapag nagkaroon ng evacuation centers at least may option na po ang probinsiya at hindi na kailangan i-disrupt yung klase,” giit ng kalihim.
Ipinagmalaki naman ni Villar na ang evacuation centers na itinayo ay resilient, gender sensitive at compliant sa standards.
Ilan sa mga pasilidad nito ay breastfeeding room, communication room, ramps para sa mga persons with disability at maging sariling infirmary.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.