BSP: Inflation para sa buwan ng Hunyo nasa 2.2 % hanggang 3 %
Posibleng pumalo lamang sa pagitan ng 2.2 hangang 3 percent ang inflation rate para sa buwan ng Hunyo ayon sa Department of Economic Research (DER) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ang projected inflation range ng BSP-DER para sa Hunyo ay mas mababa sa naitalang inflation rate noong Mayo na 3.2 percent.
Ayon sa DER, salik sa pagbagal ng inflation ang mas mababang presyo ng bigas at langis maging ang pagbaba sa singil sa kuryente at paglakas ng piso.
Naniniwala ang BSP na ang bahagyang pagbilis ng inflation noong Mayo sa 3.2 percent kumpara sa 3 percent noong Abril ay pansamantala lang.
Ang average inflation rate para sa unang limang taon ay umabot sa 3.6 percent, pasok sa target ng BSP na 2 hanggang 4 percent.
Sinabi naman ng Department of Economic Research na tututukan ng BSP ang mga pagbabago sa mga presyo para tiyaking ang monetary policy ay magpapatuloy sa malagong ekonomiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.