Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, naghain ng courtesy resignation kay Pangulong Duterte
Naghain si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ng courtesy resignation kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Senator-elect Christopher “Bong” Go sa Palasyo ng Malakanyang kung saan nakatakda siyang manumpa sa pangulo.
Ayon kay Go, soft copy pa lamang ang ibinigay ni Piñol sa kaniya.
Binasa pa aniya nito ang resignation letter sa pangulo.
“Meron pong liham si Secretary Pinol addressed to Pangulong Duterte. I was informed also naka-CC po ako doon. Pinabasa po ako kay Pangulong Duterte bago po siya pumunta dito. Antayin na lang po natin kung ano po ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte,” pahayag ni Go.
Wala pa namang tugon si Pangulong Rodrigo Duterte sa alok ni Piñol na magbitiw na sa pwesto.
Sa ngayon, ayon kay Go, nagrekomenda si Piñol ng tatlong undersecretary ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pansamantalang magpapatakbo sa kagawaran sa loob ng 30 araw.
Sinabi rin aniya ni Piñol na kung hindi na kuntento ang pangulo sa kaniyang trabaho ay nakahanda siyang umalis sa pwesto.
Wala naman aniyang problema kay Piñol kung ililipat siya ng pangulo sa Mindanao Development Authority (MinDA) dahil sa ngayon, bakante ang nasabing pwesto.
“Sort of parang ganon. sa tingin niya wala na pong tiwala si Pangulong Duterte sa kanya. He is willing to give up the position. He recommended three USecs to run the office for the next 30 days. Willing naman po siyang tanggapin kung sakaling ilagay po siya ni Pangulong Duterte sa opisina ng MinDA,” ani Go.
Narito ang bahagi ng pahayag ni Go:
WATCH: Pahayag ni Senator-elect Christopher “Bong” Go ukol sa inihaing courtesy resignation ni Agriculture Sec. Manny Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte | @chonayu1 pic.twitter.com/WhWv7tp4n3
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) June 27, 2019
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.