Ibinunyag ni dating Congressman Felicito “Tong” Payumo na noong 2013 elections, isang grupo ng mga nagpakilalang IT experts ang nag-alok sa kanya ng “tiyak na panalo” gamit ang PCOS machines kapalit ng halagang P25 milyon.
Sa eksklusibong panayam ng programang Banner Story sa Radyo Inquirer, sinabi ni Payumo na kung ano ang resulta ng eleksiyong ipinangako ng mga naturang IT experts ay siya ngang lumabas sa eleksiyon sa Bataan, lalo na sa Unang Distrito ng lalawigan ng Bataan.
“Nanghihingi pa nga ng 50% down payment,” paglalahad ng dating kongresista. Kung ano umano ang nais na agwat na panalo ay kayang I-program sa PCOS dagdag pa nito.
“60/40 or 55/45, kung ilang lamang daw ang gusto ko. At ang ipinagtaka ko ay nang lumabas na nga ang resulta ng halalan, sa anim na barangay sa 1st District, yun nga ang lamang ng kalaban ko, 60/40. Hindi ko sinasabing ang nakalaban ko sa halalan ang kumagat sa alok na iyon ng mga technicians o IT experts. What I am saying is, we saw the realization of a statistical improbability in those six municipalities,” dagdag pa ni Payumo.
Si Herminia Roman na incumbent noong 2013 ang tumalo kay Payumo sa eleksiyon sa pagiging kinatawan ng 1st District ng Bataan.
Nilinaw ni Payumo na hindi niya direktang nakausap ang grupo o kinatawan ng mga naturang IT experts. Tanging ang isang staff member lamang daw niya ang nakausap. “Outright I dismissed it. Hindi ko pinansin pero noong lumabas na ang resulta ng halalan, at nagtugma sa sinabi ng mga technicians na kaya nilang gawin, binalikan ko yung staff ko para itanong kung sino ang mga taong iyon”, kuwento pa ni Payumo.
Ang mga naturang technicians o IT experts ay nagpakilala umanong siyang may kinalaman sa pagkukumpuni sa anumang aberya sa PCOS machine. Insiders sa operasyon at mekanismo ng PCOS sa madaling salita. “Sa tingin ko, batay sa paliwanag nila sa staff ko ay sa pamamagitan ng CF card ng bawat PCOS ginagawa ang manipulasyon ng resulta ng eleksiyon,” ayon kay Payumo.
Maliban dito, ang bagay na nagtulak kay Payumo na maghain ng kaso noong 2013 ay noong may pumasok na transmission ng PCOS machine mula sa isang liblib na barangay gayong kasasara pa lamang ng presinto para sa botohan. “Seconds from the closing of the precincts, May transmission na agad? At mula pa sa pinaka liblib na barangay? Impossible!”, sinabi ni Payumo.
Nauna nang iniurong ni Payumo ang kanyang election protest ngunit ang nagpatuloy ay ang protesta ni Jojo Payumo para naman sa naging labanan sa pagka-alkalde sa bayan ng Dinalupihan.
Sa kaso ng protesta sa Dinalupihan, naniniwala si Payumo na mas lalong kayang patunayan ang manipulasyon sa resulta ng PCOS. Ito ay matapos madiskubre ng kampo ng mga Payumo ang umanoy mga “fake ballots” na maayos na nakalagay sa mga packages na brown envelopes na ang ilan ay may tatak pa ng Commission on Elections.
“Napa-open namin for manual counting and these ballots presented were neatly wrapped. Dapat untouched, galing sa machine, may pumasok na duwende sa machine para ayusin ang ballots? At ano ang purpose? To match the results sa PCOS?” sunod-sunod na tanong pa ni Payumo.
Kumbinsido man sa dayaan, naniniwala si Payumo na mid hanggang low level lamang sa panig ng mga may direktang kaugnayan sa eleksiyon ang dayaan.
“To be fair, it was the Commission on Election’s decision that led to the comparison of the manual count to the machine count. I don’t think the commissioners are involved or even the higher officials of Smartmatic. Malaki na ang Kunitz ng Smartmatic sa kontrata pa lang, pero sa baba, doon nangyayari ang manipulasyon, automated dagdag-bawas.
Hindi umano siya nagpapanukala ng ibang makina o paraan ng automation, ang sinasabi lang niya ani Payumo ay dalawang eleksiyon na ang nakalipas na may kuwestiyon sa integridad ng PCOS machine. Ang ikatlong pagkakataon aniya ay magbibigay daan sa mas malawak na dayaan sa halalan sa 2016./Arlyn Dela Cruz
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.