Pag-atras ni Velasco sa term sharing, pagtabla kay Pangulong Duterte-political analyst
Naniniwala ang political analyst na si Mon Casiple na may problema si Marinduque Representative Lord Allan Velasco kung umatras ito sa term sharing sa pagitan nila ni Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Casiple, aprubado na ni Pangulong Duterte ang panukalang term sharing at pumabor na rin dito ang isa pang kahati sa Speakership na si Cayetano pero kung bigla anyang umatras si Velasco ay tila may problema ito.
Bahagi anya ng maneuverings ng mga kandidato bilang House Speaker ang naturang hakbang kaya kung umatras si Velasco ay tiyak na babalik umano ito sa kongresista sa negatibong paraan.
“Possibly, gusto nya na mauna,” pahayag ni Casiple.
Una nang inamin ni Cayetano na ang term sharing sa House Speakership na kanyang pinaboran ay iminungkahi mismo ni Velasco subalit nang sumang ayon na ito at maging si Pangulong Duterte ay umatras naman si Velasco.
Ayon kay Velasco, hindi sya pabor sa term sharing dahil na rin sa maapektuhan nito ang Kamara na sa gitna ng taon ay kinakailangan muli na magpalit ng mga Chairmanship at Committee Heads kasabay ng pag-upo ng kasunud na Speaker.
Ngunit lumilitaw na hindi umano ito ang dahilan dahil ang pag-atras ni Velasco ay dahil hindi umano nito nagustuhan na huli sya sa term sharing at mauuna si Cayetano.
Samantala, sinabi naman ni 1-Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro na bagamat walang problema sa term sharing kung ito ang nais ni Pangulong Duterte.
Pero mas malaki anya ang advantage kung isang House Speaker lamang ang mamumuno sa loob ng 3 taon dahil mapapanatili ang stability ng Kamara lalo at hindi papalit palit ang mga Chairmanships.
Matatadaan na sa 17th Congress ay nahati din kina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang 3 taong termino ng Speakership ng Kamara matapos mapatalsik sa unang taon si Alvarez at humalili si Arroyo kung saan nagkaroon din ng rigodon sa iba pang mga komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.