Mga kongresista nagpaabot na rin ng pakikiramay sa pagpanaw ni Eddie Garcia
Bumuhos rin ang pakikiramay mula sa mga kongresista para sa iniwang pamilya ng batikang aktor na si Eddie Garcia matapos itong pumanaw kahapon.
Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep Alfredo Garbin Jr., nawalan ng isa na namang Filipino icon at Philippine Cinema titan ang bansa sa pagkamatay ni ‘Manoy’.
Hiniling ni Garbin kay Pangulong Rodrigo Duterte, na iutos ang half-mast flag honors at military honors para kay Garcia na dating nagsilbi sa Philippine Scouts na ngayon ay Philippine Army.
Irerekomenda rin nito sa Bicol University ang paglikha ng isang Permanent Memorial Exhibit at Professorial Chair sa College of Arts and Letters upang kilalanin at ipagpatuloy ang mga naging kontribusyon ng aktor sa larangan ng sining.
Samantala, nanawagan naman si Senior Citizen Party-list Rep Francisco Datol sa Department of Education na pumili ng isang public high school na papangalanan ng Kongreso bilang Eddie V. Garcia Memorial National High School sa kanyang hometown sa Sorsogon.
Pumanaw si Garcia sa edad na nobenta anyos sa Makati Medical Center matapos ang ilang araw na pagkaka-comatose bunsod ng aksidente sa taping.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.