PAGASA: Bagyong tatama sa bansa ngayong taon, mas malalakas dahil sa El Niño
Normal pa rin ang bilang ng mga bagyong papasok sa bansa ngayong taon sa kabila ng umiiral na El Niño phenomenon.
Nasa 19 hanggang 20 bagyo ang tumatama sa bansa kada taon.
Pero sa isang pulong balitaan, ibinabala ni PAGASA administrator Vicente Malano na kadalasang mas malakas ang mga bagyo tuwing may El Niño.
Ayon sa weather bureau, ang El Niño na nagdudulot ng tagtuyot sa maraming lugar ay posibleng tumagal hanggang sa Nobyembre.
Sinabi pa ni Malano na posibleng makaranas ang bansa ng mga bagyo na nagtataglay ng malalakas na pag-ulan tulad ng Bagyong Ondoy noong 2009.
Magugunitang lumubog ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa ulang ibinuhos ng Bagyong Ondoy.
Giit ni Malano, ‘new normal’ na ang mabigat at malakas na pag-ulan dahil sa global warming.
“The occurrence of intense rain is the new normal now because of global warming,” ani Malano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.