Gangster na Chinese Fishing militia, traydor sa usapang Pilipinas at China – sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo June 16, 2019 - 02:34 PM

Ang pagbangga at pagpapalubog sa ating F/B Gimber 1 ng Chinese fishing boat Yuemaobinyu 42212 na hindi man lamang iniligtas ang mga nalulunod na Pinoy crew ay hindi na dapat maulit sa West Philippine Sea.

Hindi rin katanggap-tanggap ang kwento ng Chinese Embassy na pinaligiran daw ng pito hanggang walong Filipino boats ang naturang Chinese fishing boat kaya ito bumangga. Bagay na bigla nilang tinanggal sa kanilang website.

Tama ang sabi ng Malakanyang, “barbaro” ang mga mangingisdang Intsik. Isang “bullying” upang hindi pumasok sa kanilang “teritoryo” ang ating mangingisda. Ang patakaran daw ng China ay “kapayapaan, katatagan , pagkakaisa at kaunlaran ” sa South China sea” kung saan handa raw silang i-bahagi ang kontrobersyal na “natural resources” ng karagatan sa ibang bansa . Ito’y habang hindi pa nalulutas ang pagtatalo sa “nine dash line” ng China at “exclusive economic zone” ng UNCLOS at hayaang maresolba ito sa mga susunod na henerasyon.

Maganda sana pero, iba ang nangyayari sa karagatan. At ang kaso ng “hit ,sink and run” sa ating mga mangingisda ay nagbilad ng matagal nang “international gangsterism” ng mga Chinese fishing militia hindi lamang sa West Philippine Sea kundi maging sa buong mundo.

Ayon sa website na Dialogo ng US Southern Command, dahil sa walang kabusugang demand ng China sa “seafood” , nagtayo ito ng long range fishing fleet sa international waters, pero lumalapit sa mga baybayin ng Argentina, Peru at maging Africa. May kasamang “refrigerated vessels” ang mga barkong ito upang paglipatan ng kanilang huli sa pamamagitan ng “illegal fishing”.

Ayon kay retired US Navy adm. James Stavridis noong Septermber 2017, gumagastos ang Beijing ng daan-daang milyong dolyar upang tustusan ang “long range fishing fleet nito “ pati mga escorts na “Chinese coast guard” habang ginagawa ng Chinese fishing militia ang kanilang “illegal fishing”. Ayon pa kay Stavridis , pinapayagan ng Chinese government ang tinawag niyang “worldwide robbing of ocean resources” o buong mundong pagnanakaw ng yamang karagatan.

Bilang ganti, ang Indonesia ay nagsunog ng mga dayuhang barko kabilang ang dalawang Chinese fishing boats. Ang South Korea ay pinasasabugan ng flash bang grenade ang mga lumalapit na Chinese boat samantalang sa Argentina ay pinapaputukan ito. Noong 2013, pinaputukan ng Philippine coast guard ang isang Taiwanese vessel sa ating karagatan kung saan isang Taiwanese ang nasawi at nasa korte pa ang kaso.

Sa ngayon, meron na tayong sampung Philippine coast guard patrol craft na nagbababantay sa ating karagatan. Noong May 17, naiulat na itong BRP Cabra natin habang nagpapatrulya sa Panganiban reef (Mischief Reef) at Ayungin shoal (Second Thomas Shoal) , ay nagkaroon ng “radio jamming” . Ito’y nangyayari din habang palapit ang mga Coast guard patrol boats sa Panatag Shoal (Scarborough shoal) kung saan nangingisda ang maraming Pinoy.

Kung susuriin, ninanakaw ng mga gangster na Chinese fishing militia katulong ng kanilang Coast guards ang ating yamang karagatan sa mismo nating baybayin. Sinosolo ng Chinese fishing militia ang “ocean resources” West Philippine sea taliwas sa dinedeklara ni Chinese pres. Xi Jing Ping at Chinese Ambassador Zhao Jin Hua . Ika nga, usap-usapan sa harapan pero sa likod ay tinatraydor.

TAGS: China, F/B Gimber 1, Pilipinas, Recto Bank, West Philippine Sea, Yuemaobinyu 42212, China, F/B Gimber 1, Pilipinas, Recto Bank, West Philippine Sea, Yuemaobinyu 42212

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.