VMMC isang araw na walang kuryente dahil sa bumagsak na mga poste
Higit sa 24-oras na nagtiis ang mga pasyente ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City dahil sa naputol na serbisyo ng kuryente.
Ito ay makaraang mabagsakan ng isang malaking puno ang dalawang poste ng Meralco sa loob ng compound ng VMMC kahapon araw ng Biyerne.
Ipinaliwanag ni Dr. Dominador Chiong Jr., direktor ng VMMC, na pasado alas-8 ng umaga Biyernes nang maputol ang suplay ng kuryente sa pagamutan.
Inabot pa umano ng alas-diyes ng gabi bago dumating ang dalawang poste ng kuryente galing sa Bulacan na ipapalit sa bumagsak na Meralco posts.
Kaugnay nito ay naapektuhan ang serbisyo ng ICU, emergency room, laboratories, at dialysis center ng VMMC.
Dahil hindi kinaya ng kanilang generator sets ang pagsusuplay ng kuryente ay nagmagandang loob ang Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng pagpapadala ng dagdag na mga generator sets.
Pasado ala-una na ng hapon, araw ng Sabado naibalik ang normal na suplay ng kuryente sa nasabing public hospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.