Task force kailangang buuin para maaksyunan ang investment scam
Inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na kailangang bumuo ng task force para aksyunan ang investment scam.
Sa Cebu Business Month 2019 Entrepreneurs Summit, sinabi ni Lopez na ang task force ay bubuoin ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para solusyunan ang investment scam.
Aniya, lumalabas kasi ngayon na walang nakatutok na opisina ng gobyerno na agarang humahawak sa mga kaso.
Ayon pa kay Lopez, kailangan pang maging aktibo ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa social media para ipaalam sa publiko ang mga babala laban sa investment scam.
Iginiit pa nito na patuloy ang paglaganap ng investment scam dahil sa kasakiman na nagdudulot sa mga tao na maniwala sa mabilis na proseso ng pagkita ng pera.
Kasunod nito, hinikayat ni Lopez ang publiko na ikonsidera ang pagkita ng pera sa pagpasok sa entrepreneurship.
Matatandaang inilunsad ng DTI ang Negosyo Centers para tulungan ang sinumang nais magsimula ng negosyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.