PH ambassador sa China dapat nang i-recall ayon kay Sen. Hontiveros
Inihirit ni Senator Risa Hontiveros kay Pangulong Duterte na pabalikin na ng bansa ang Philippine ambassador at lahat ng consuls sa China kaugnay sa nangyaring insidente sa Recto Bank.
Giit ni Hontiveros, kung pina-recall ng Malakanyang ang Philippine ambassadors at mga consuls sa Canada dahil sa isyu sa basura, magagawa din ito ni Pangulong Duterte dahil sa buhay ng mga mangingisdang Filipino at sobereniya ng Pilipinas ang nakataya sa panibagong insidente.
Aniya sakaling ipa-recall ang mga opisyal ng Pilipinas ay dapat isiwalat ng gobyerno ng China ang lahat ng detalye ukol sa Chinese fishing vessel na dahilan ng paglubog ng bangkang pangisda ng 22 Filipino.
Bukod pa diyan, ayon pa sa senadora, dapat kilalanin at parusahan ang kapitan ng Chinese vessel at mga tripulante nito na nag-abandona sa mga mangingisdang Filipino.
Dapat din aniya mangako ang gobyerno ng China na hindi na mauulit ang mga katulad na insidente.
Tinawag ni Hontiveros na hindi makatao at kasumpa-sumpa ang ginawa ng mga Chinese nationals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.