Kandidato ng PDP-Laban para sa House Speakership isasapinal ngayong araw
Magpupulong ngayong Huwebes sina Sen. Manny Pacquiao at Pangulong Rodrigo Duterte para isapinal ang pagpili sa pambato ng PDP-Laban sa House Speakership race.
Ani Pacquiao, posibleng sa Biyernes ay inanunsyo na ang pambato ng partido ngunit kailangan munang konsultahin ang pangulo.
Napag-usapan anya sa pulong sa kanyang bahay noong Martes ng gabi na dapat maresolba ang problema sa pagpili ng pambato ng PDP-Laban bago siya lumipad patungong US araw ng Sabado.
Ang mga pinagpipilian ay sina former Speaker Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Pampanga Representative Aurelio Gonzales Jr.
Igigiit umano ni Pacquiao na dapat taga-PDP-Laban ang iendorso dahil ang partido ang may pinakamalaking bilang ng miyembro sa Kamara.
“Kung mag-suggest ang pangulo ng hindi PDP tsaka ako magsa-suggest na kailangan ng PDP kasi PDP ang pangulo natin… kumbaga biggest member ng party ang sa House,” ani Pacquiao.
Ayon pa kay Pacquiao, ang pagkakaroon ng House Speaker mula sa PDP-Laban ay makatutulong upang maiwasan ang anumang banta ng impeachment laban kay Duterte.
Samantala, pinabulaanan ni Pacquiao na nakikialam siya sa mga usapin sa Mababang Kapulungan at sinabing nakikialam lamang siya bilang kapartido sa PDP-Laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.