Publiko hinikayat ni Pangulong Duterte na namnamin ang kalayaan ng bansa
Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na namnamin ang tinatamaaang kalayaan ng bansa.
Pahayag ito ng pangulo kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan.
Sa mensahe ng pangulo, sinabi nito na kaisa siya ng sambayanang Filipino sa
pagkilala sa naging sakripisyo ng mga ninuno para lamang matamasa ang kalayaan.
Dagdag ng pangulo, ang Araw ng Kalayaan ang pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon sa pangulo, hindi lamang nito natuldukan ang mahigit tatlong siglo ng pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhan kundi higit sa lahat ay natagpuan ng mga Filipino ang tamang direksyon tungo sa Kalayaan.
Pero aminado ang pangulo na malaki ang naging kabayaran ng mga ninuno kapalit ng kalayaan dahil ang naging katumbas ay ang kanilang pawis at dugo.
Dahil dito hinihimok ng pangulo ang bawat Filipino na pag-ingatan ang mga sakripisyong kanilang inialay, at tiyaking hindi ito mapupunta lang sa wala.
Dagdag ng pangulo marapat ding makamit sa panahon ngayon ang pangarap ng mga ninuno para sa malayang pilipinas kung saan malayang nakapamumuhay sa isang ligtas, matatag at masaganang lipunan ang bawat Filipino.
Samantala, pangungunahan ni Pangulong Duterte ang pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan ngayong araw sa 6th Infantry Battalion headquarters ng Philippine Army sa Brgy. Matling, Malabang, Lanao del Sur.
Wala namang ibinigay na paliwanag ang palasyo kung bakit sa Lanao pinili ng pangulo na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.