Cardema camp nagbago ng tono: ‘Young professionals’ kakatawin na rin ng Duterte Youth
Iginiit ng kampo ni dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema na hindi lang kabataan ang inirerepresenta ng Duterte Youth party-list kundi maging ang young professionals.
Ito ay sa gitna ng pagdinig ng Commission on Elections (Comelec) sa mga petisyong ibasura ang substitution bid ni Cardema para sa Duterte Youth na nakakuha ng isang pwesto sa nagdaang May 13 elections.
Ayon sa abugado ni Cardema na si Atty. George Garcia, ang Duterte Youth ay isang partido na nagrerepresenta sa youth at young professionals.
“This is an organization representing the youth and young professionals,” ani Garcia.
Kaya’t kung hindi man anya maituring na nirerepresenta ni Cardema ang sektor ng kabataan ay maaari namang maituring na nirerepresenta nito ang professional sector.
“Even if they will argue, perhaps the respondent cannot be classified as youth sector he can be classified as the [young] professional sector,” paggiit ni Garcia.
Ang argumento ng kampo ay upang maresolba ang isyu tungkol sa petisyong ibasura ang substitution bid ni Cardema dahil ang nominee dapat ng youth sector ay hindi hihigit sa 30 anyos gayong 34 anyos na si Cardema.
Pero giit naman ng abugado ng mga petitioners na si Atty. Emilio Marañon, lahat ng public appearances ni Cardema ay nagpapakita na nirerepresenta nito ang youth sector kaya’t dapat mapanatili ang age requirement.
“All his public statements he has been representing the youth sector and not the professional sector, he only said he is professional sector in this [substitution] case,” ani Marañon.
Samantala, nasiwalat pa sa pagdinig na hindi tumalima ang Duterte Youth sa kautusan ng Comelec noong May 22 na ilathalata sa dalawang major newspapers ang revised list ng nominees nito na kinabibilangan ni Cardema, Gian Carlo Galang, Catherine Santos, Kerwin Pagaran, and Sharah Shane Makabali.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, dapat nagawa ito sa loob ng limang araw ng pagtanggap ng kautusan ngunit iginiit ng kampo ni Cardema na wala silang alam sa deadline.
Sinabi naman ni Marañon na taktika lang ito ng kampo ni Cardema upang maiwasang mausig.
Hindi makakaupo si Cardema bilang representante ng Duterte Youth sa Kamara hanggang hindi pa nareresolba ang lahat ng petisyon laban sa kanyang substitution bid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.