Tinio: Isyu ng umanoy suhulan sa Speakership dapat resolbahin
Naniniwala si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na hindi dapat ipagkibit balikat lamang ng House of Representatives ang isyu ng umanoy suhulan sa Speakership race.
Ayon kay Tinio, seryosong akusasyon ito na dapat silipin kasabay ng pulong ng PDP Laban members Martes ng gabi kung saan tinalakay kung sino ang ibobotong House Speaker gayundin ang inaasahang desisyon ng Partlylist Coalition ng kanilang susuportahang Speaker.
Sinabi ni Tinio na mainam na hindi lamang kung sino ang susuportahang House Speaker ang pag-usapan kundi maging kung sino ang nasa likod ng umanoy suhulan para masungkit ang pwesto.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na may P1 milyon na suhulan sa Speakership.
Lalong umugong ang isyu ng vote buying sa Speakership matapos aminin ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero na may isa sa kanilang miyembro ang nilapitan na at tinangkang suhulan gayundin ang rebelasyon ni Pampanga Rep. Dong Gonzales na aabot sa P7 milyon ang suhulan sa lalong umiinit na speakership race.
Ang isyu ng suhulan ay kapwa nanggaling sa kampo ng PDP Laban, partikular kina Alvarez at Gonzales kaya ayon kay Tinio, dapat talakayin din ito ng kanilang partido lalo at ang kampo ni Velasco na kabilang din sa kanilang partido ang sinasabing gumagapang at nanunuhol.
Una nang nagbanta si Sen. Koko Pimentel sa kanyang mga kapartido na mahaharap sa parusa kung hindi iboboto ang mapipili ng Partido.
Pero ilang PDP Laban members ang kumontra kabilang si Albay Rep. Joey Salceda na hayagan ang suporta kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na mula sa Lakas – Christian-Muslim Democrats.
Nasa 153 boto ang kailangan para makuha ang Speakership.
Sa mga partido, ang Nacionalista Party na may 43 miyembro at ang National Unity Party na may 27 miyembro ang maagang nagbigay ng suporta kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano para maging susunod na House Speaker habang ngayong Linggo ihahayag ng Partylist Coalition, na may 54 na miyembro, ang kanilang susuportahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.