Binuweltahan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang magkakapatid na Tulfo.
Sa inilabas na pahayag sa pamamagitan ng Facebook, ibinahagi ni Aguirre ang mga pagkakataon na nakaugnayan ang magkakapatid na Tulfo, partikular na si Special Envoy to China Ramon Tulfo.
Aniya, siniraan ni Mon ang pagkatao niya o reputasyon sa pamamagitan ng paglalahad ng mga maling akusasyon sa kaniyang column sa Manila Times.
Sinabi ni Aguirre na sa kasagsagan ng pagiging kalihim ng Department of Justice (DOJ), humingi ng tulong si Mon para i-consolidate ang mga kasong isinampa ng Iglesia Ni Cristo (INC) laban dito.
Aniya, hihingi muna siya ng komento mula sa mga prosecution office bago gumawa ng aksyon kaugnay dito.
Dito na umano nagsimulang magalit si Mon at sinabing tinanggihan ni Aguirre ang pakiusap dahil sa paghahangad ng boto mula sa INC para sa diumano’y planong pagtakbo sa pagka-senador sa 2019 midterm elections.
Kasunod nito, inihayag pa ni Mon ang akusasyon na protektor umano si Aguirre ng mga human trafficker sa bansa.
Giit ni Aguirre, humihingi lamang ng paumanhin ang magkakapatid na Tulfo ngayon dahil hindi nito inasahan ang tindi ng epekto ng mga hindi magandang banat sa ilang personalidad.
Sinabi pa ng dating kalihim na ang kaniyang pahayag ay base lamang sa sarili nitong karanasan.
Kung hindi aniya matuturuan ng leksyon, babalik lamang ang magkakapatid sa kanilang pagiging arogante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.