Blackpink fans gumastos ng libo-libong piso para sa meet and greet at autograph
Naghihimutok ang mga Filipino fans ng K-pop girl group na Blackpink dahil sa paggastos ng libo-libong piso pero walang napala sa meet and greet na ginawa sa Pilipinas.
Para makakuha ng pinakakaasam na autograph ng Blackpink, gumastos ang mga fans ng malaking halaga sa pagbili ng mga produkto.
Ito ay bahagi ng promo ng online retailer Shopee Philippines na “top 40 spenders” kung saan makakakuha ng mga autograph nina Jisoo Lisa, Jennie at Rose.
Sa social media idinaan ng mga fans ang pagkadismaya kung saan nakasaad sa post ng isang netizen na umabot sa P105,000 ang nagastos nito sa pagbili ng mga produkto sa Shopee.
Bumili ang fan ng apat na bagong cellphone para lang manatili sa top 40 spenders.
Mayroon naman na umabot sa P80,000 ang nagastos pero nauwi rin sa wala ang pag-aakala na mananatili siya sa top 40 at magkakaroon ng autographs ng Blackpink members.
Nagreklamo ng scam ang mga fans dahil araw ng Huwebes ay nabalitaan nilang hindi na sila kasama sa top 40 kaya wala ng tsansa sa autograph.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Shopee.
Ayon sa retailer, hindi umabot sa “high standards” ng users ng Shopee at Blackpink fans ang naturang promo.
Ginawan naman umano ng agarang aksyon nang madiskubre ang pagkakamali pero nagdulot na ito ng kaguluhan at pagkadismaya sa mga fans.
Tiniyak ng Shopee na reresolbahin nila ang isyu at gagawa ng paraan na hindi na ito maulit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.