CHR iimbestigahan ang pagkamatay ng mga suspek sa kustodiya ng pulisya
Iimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga insidente ng pagkamatay ng mga suspek habang nasa kustodiya ng pulisya.
Layon ng hakbang ng CHR na alamin kung may pag-abuso sa panig ng mga pulis na nakapatay ng mga suspek na umanoy nanlaban, nang-agaw ng baril o nagtangkang tumakas.
Kaugnay ito ng pagkamatay ni Joseph Bañanola na suspek sa pagpatay sa mag-asawang senior citizens sa Quezon City noong Linggo.
Si Bañanola ay napatay ng mga pulis matapos umano itong mang-agaw ng baril ng pulis at nagtangkang tumakas.
Ayon sa pulisya, hiniling ng suspek na luwagan ang kanyang posas at nang gawin ito ay nang-agaw umano si Bañanola ng baril ng katabing pulis, dahilan kaya naman ito binaril ng pulis na nasa harapan ng police mobile na si Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng QCPD Station 4.
Walang disciplinary action laban sa 4 na pulis na sangkot sa insidente.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar, sadyang pwedeng mangyari ang pang-aagaw ng baril lalo na anya kung lulong sa droga ang suspek.
Samantala, iniimbestigahan na ng CHR ang pagkamatay ni Boyet Tuando, rape suspect na umanoy napatay sa entrapment operation.
Duda ang mga kaanak nito matapos makita sa CCTV footage na isinakay si Tuando ng mga armadong lalaki sa isang SUV isang oras bago ang sinasabing entrapment operation.
Ayon kay Human Rights Commissioner Roberto Cadiz, ang naturang mga kaso ang gusto nilang maiwasan.
Hindi anya pwedeng aaresto na lang ang pulisya ng kung sino pagkatapos ay i-rubout para masabing case solved.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.