Conference room ng Women Crisis Center sa Zamboanga City nasunog
Tinupok ng apoy ang bahagi ng Women Crisis Center sa Zamboanga City gabi ng Martes (May 28).
Ayon sa house parent ng center na si Margarita Jairi, nakita niya ang makapal na usok sa conference room at agad niyang pinalabas ang mga bata at babae sa gusali para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Mabilis naman na naagapan ng mga bombero ang sunog kaya hindi na ito kumalat sa buong gusali ngunit hindi na nila naisalba ang ilang kagamitan, tulad ng mga appliance at office equipment.
Base sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), umamin na umano ang isang menor de edad na siya ang nagsimula ng apoy sa conference room ngunit iniimbestigahan pa ito ng mga tagapamatay-sunog lalo’t may intellectual disability ang bata.
Ayon naman kay Jairi, posibleng faulty electrical wiring ang pinagmulan ng apoy dahil ilang oras bago ang insidente ay napansin niya na hindi na sumisindi ang mga ilaw sa conference room.
Wala namang nasaktan at tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng mga gamit natupok ng apoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.