Pag-subasta sa mga kontrabadong bigas hindi natuloy matapos hindi magkasundo ang mga bidder
Hindi kinagat ng mga bidder ang presyong inalok ng Bureau of Customs (BOC) para sa subasta ng 560 na libong sako ng mga nakumpiskang bigas na nasa kustodiya ng Manila International Container port o MICP.
Ayon sa BOC, kinuwestiyon ng mga bidder ang inalok na P37 kada kilo ng bigas sa bidding ng auction and cargo disposal division ng BOC.
Umalma ang mga bidder sa mataas na presyo gayung P17 kada kilo ang floor price ng bigas.
Bukod sa mataas na presyo, duda din sa kalidad ng bigas ang mga bidder makaraang matengga ang mga ito sa matagal na panahon sa loob ng container yard.
Nabatid na galing ng Pakistan, Vietnam at Thailand ang mga imported rice at dahil sa hindi pumasa sa customs modernization and tariff act ang mga consignee nito ay kinumpiska ng BOC.
Magtatakda na lamang ng panibagong araw ng bidding ang BOC.
Kung maibebenta ang nasabing mga bigas sa halagang P17 kada kilo, aabot sa kalahating bilyong piso ang kikitain ng BOC at kapag maibenta naman sa halagang P37 kada kilo ay aabot sa P1.3 bilyon piso ang kikitain ng Customs. Ricky
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.