Isang araw matapos lumabas ang mga litrato at video ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan makikita itong hirap maglakad at halos mawalan ng balanse, nakita ang Pangulo na palabas mula sa isang restaurant sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City Lunes ng gabi.
Pansamantalang itinigil ng daloy ng trapiko sa paligid ng restaurant nang dumating ang convoy ng mga sasakyan pasado alas 8:00 ng gabi.
Makalipas ang 2 oras ay nakitang lumabas ang Pangulo mula sa restaurant.
Naging mahigpit ang seguridad dahil bukod sa close-in bodyguards ng Pangulo na naka-suot ng checkered polo shirts, may apat na iba pa na naka full battle gear.
Bilang standard procedure ay may kasamang ambulansya ang security vehicles ng Pangulo.
Una rito sa graduation ceremonies ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 2019 sa Baguio ay ilang beses na kinailangang alalayan ang Pangulo.
Ayon sa Malakanyang, inaantok lamang ang Presidente dahil magdamag itong nag-asikaso ng paper works.
Ilang beses na ring itinanggi ng Malakanyang na may dinaramdam ang Pangulo liban sa mga sinabi na nitong mga sakit dati.
Pinabulaanan din ng Palasyo na na-confine ang Pangulo sa Cardinal Santos Memorial Hospital sa San Juan matapos itong hindi nakita ng publiko matapos ang May 13 elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.