ECOP: Anti-endo bill lalong makakabawas sa mga trabaho
Nagbabala ang grupo ng mga employers na lalong mababawasan ang mga trabaho sa bansa dahil sa panukalang batas ukol sa security of tenure na layong wakasan ang “endo” o end of contract.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis, magreresulta sa kakulangan ng trabaho ang panukala dahil mababawasan ang mga oportunidad at babawalan ang labor-only contracting.
Binanggit ni Luis na halimbawa ang mga mall na kumukuha ng mga manggagawa tuwing Pasko lamang.
Posible anyang hindi na kumuha ang mga employers ng pansamantalang trabahador dahil mapipilitan silang gawing regular ang mga ito.
Sinabi ng ECOP na ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho ang sagot sa problema ng mga manggagawa.
Ang Security of Tenure Bill ay nakatakdang isalang sa bicameral conference committee at kapag naaprubahan ay pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.