12 arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Makati
Timbog ang 12 katao sa magkakasunod na operasyon ng pulisya kontra iligal na droga sa Makati City sa buong magdamag.
Ayon kay Pol. Lt. Jeson Vigilla, unang nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Palanan, Makati target ang isang Monica Rama, 20 anyos.
Positibong nakabili ang poseur buyer ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P300 mula kay Rama.
Agad itong naaresto at nakuhaan pa ng 11 plastic sachet ng shabu na may street value na P3,000.
Sunod na nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Tejeros target ang mga suspek na nakilalang sina Sernante Lapuz, Bemie Cabarloc at Roberto Abardo.
Gayunman, habang papunta sa mga target, hinarang ang poseur buyer ng isa pang drug suspek na nakilalang si Michael Espita kung saan nag-alok ito ng shabu.
Matapos ang mga transaksyon ay hinuli ang mga suspek at timbog din ang pitong iba pa na nakilalang sina Jaynard Reintegrado, Edilberto De Chavez Jr., Julian Carlo Dador, Sammy Avila, Daniel Revilla, Mark Joseph Abdon, at Vergel Beldad.
Nakuha mula sa mga suspek ang 89 plastic sachet ng shabu kabilang ang ipinagbili sa poseur buyer at tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P44,500.
Sa kabuuan, umabot sa 101 plastic sachets ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Makati Police sa isinagawang mga operasyon.
Mahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.