Duterte hindi interesadong kasuhan ang mga tao sa ‘oust matrix’
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang intensyon na sampahan ng kaso ang mga tao na umanoy nasa likod ng planong patalsikin siya sa pwesto.
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang mga indibidwal at personalidad na kasama sa tinatawag na matrix ng “oust-Duterte plot.”
“I’m not interested to file cases,” pahayag ni Duterte sa Bohol sa kampanya ni dating cabinet secretary Leoncio Evasco Jr. na tumatakbong gobernadora ng lalawigan.
Una rito ay sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na posibleng kasuhan ng libel ang mga tao na nasa matrix.
Sa kanyang talumpati ay muling binatikos ng Pangulo ang “Bikoy” videos bilang “black propaganda” sabay giit na ang Liberal Party at Magdalo Party ang nasa likod nito.
Walang malinaw na pahayag ang Pangulo sa source ng matrix pero sinabi nito na galing ito sa “intelligence community” at ang source ay hindi Pilipino.
Samantala, itinanggi na ng ilang opisyal, mamamahayag at atleta na nasa matrix na sangkot sila sa pagpapabagsak ng administrasyon.
Sinabi ni LP president Sen. Kiko Pangilinan na gawa-gawa lang ang matrix at layon nitong ilihis ang mga isyung kinakaharap ni Duterte habang si Magdalo Rep. Gary Alejano ay hinamon ang Malakanyang na kasuhan ang mga tao na nasa matrix.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.