Patay ang tatlong police trainees habang sugatan ang 18 iba pa makaraang bumangga ang sinasakyang trak sa gate at puno sa Cagayan de Oro, araw ng Lunes.
Kinilala ng mga imbestigador ang mga nasawi na sina Roigie Bulay, Elbert Sheen Labra at Aldred Catane.
Ayon sa mga otoridad, nawalan ng kontrol ang trak habang binabagtas ang pataas na kalsada.
Dahil dito, bumangga ang trak sa gate ng isang private property at tumama rin sa puno sa Barangay Gusa.
Ayon kay Maj. Julius Clark Macariola IV, hepe ng Agora police station, magpapadala sana ang trak ng mga kahoy at gulong para sa training ng regional police riders.
Nagmula ang trak sa Barangay Indahag at patungong 4th Infantry Division headquarters ng Philippine Army.
Ani Macariola, marami sa mga pasahero ay tumilapon sa trak dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga.
Ang iba naman ay tumama ang mga kahoy at gulong na nahulog sa trak.
Sa ngayon, tiniyak ni Macariola na ligtas na ang mga sugatang biktima at kasalukuyang ginagamot sa ospital at isang medical facility sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.