“Oplan Lakbay Pasko 2015”, ipatutupad sa mga paliparan
Ikinakasa na ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang Oplan Lakbay Pasko 2015 bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero dahil sa holiday season.
Ayon kay MIAA General Manager Jose Angel Honrado, magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa paliparan simula sa December 15 hanggang January 5 upang matiyak na ligtas at maayos ang operasyon sa NAIA.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng MIAA sa mga airline companies para sa mas maayos at mabilis na pagproseso ng mga pasahero lalo na sa check-in counters.
Inatasan na rin ang iba lang ahensya tulad ng OTS o Office for Transportation Security, Immigration at Quarantine na magdagdag ng tauhan para matiyak ang maayos na padating na mga pasahero.
Kaugnay nito, inaayos na rin ang seguridad at gayundin ang traffic sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa APD o Airport Police Department, Avsegroup ng PNP, MMDA at ng lokal na pamahalaan ng Parañaque at Pasay City.
Sa tala ng MIAA, noong December 2014, umabot ang passenger arrivals ng mahigit 1.6 million at ang departures ay umabot sa mahigit 1.4 million.
Ang nasabing bilang ay inaasahang madadagdagan pa ng 10% ngayong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.