Paglalagay sa talaan ng mga kuwentong-digmaan ng mga beterano, isinusulong

By Kathleen Betina Aenlle December 09, 2015 - 04:17 AM

 

Inquirer file photo

Ipinaliwanag ng mga beteranong sundalo noong World War II at ng mga anti-war advocates ang kahalagahan ng pagtatala o pagre-record ng mga kuwento ng mga mandirigma’t bayani noong panahon ng digmaan para sa susunod na henerasyon.

Sa palatuntunang isinagawa upang alalahanin ang ika-74 anibersaryo ng pag-atake ng Japan sa Maynila na ang-hudyat sa World War II, dumalo ang mga war veterans at mga “comfort women” na nagbahagi ng kanilang mga naging karanasan.

Ayon kay Miguel Angelo Villa-Real, vice president for corporate affairs ng Philippine Veterans Bank, kailangan nang mas palawigin ang pangangalap ng mga storya ng mga beterano dahil paunti na sila nang paunti.

Dagdag niya, kapag pumanaw na lahat ng mga beterano at hindi pa nakuha ang kanilang mga kwento ng karanasan sa digmaan, posibleng mga secondhand information na lamang ang maiwan sa atin.

Sa ngayon, 100 kwento pa lamang mula sa 400,000 na mga war veterans ang naitatala para i-preserve at maibahagi pa sa mga susunond na henerasyon.

Nakipagtulungan na ang Philippine Veterans Bank sa iba pang mga grupong nangangalaga sa kapakanan ng mga beterano, pati na sa Spyron AV Manila na isang grupo ng cinematic storytellers na rumoronda sa mga paaralan upang isapubliko ang mga kwento noong World War II.

Nakagawa na ang Spyron AV Manila ng pitong documentaries, tatlong coffee table books at isa pang libro tungkol sa kabayanihan ng mga Pilipino noong World War II.

Ayon sa kanilang managing director na si Lucky Guillermo, adbokasiya nila na ilapit sa mga makabagong henerasyon ang nasabing mga kwento upang hindi ito maglaho sa isipan ng mga tao.

Ani Villa-real, tinatayang 6,000 beterano ang pumapanaw kada taon dahil sa sakit o katandaan, at sa 385,000 na beteranong nasa listahan ng gobyerno, sinasabing nasa 10,000 na lamang sa kanila ang buhay pa hanggang ngayon.

Ngunit, aminado rin sila na bagaman kailangan na nila itong madaliin, mahirap din itong maisakatuparan dahil mayroong mga beteranong ayaw na magbahagi ng karanasan dahil sa traumang idinulot ng digmaan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.