Report ng Ateneo Human Rights Center na 7,000 drug personalities ang napatay sa Oplan Tokhang welcome sa Malakanyang
Pinatunayan lamang ng Ateneo Human Rights Center na mali ang mga kritiko at 7,000 at hindi 20,000 na drug personalities ang napatay sa Oplan Tokhang na ikinasa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, welcome ito at salamin lamang ang naturang pag-aaral na mali ang inaakusa ng Amerika at ng mga kritiko na lumobo na sa 20,000 drug personalities ang napatay sa tokhang.
Iginiit pa ni Panelo na sa 7,000 figure ilan sa mga drug personalities ay napatay ng mga sindikato at hindi basta na lamang pinatay ng mga pulis.
Ayon pa kay Panelo, kaya may mga napapatay din na pulis sa operasyon dahil sa nanlalaban ang mga drug personalities.
Kung mayroon man aniyang pang-aabuso sa hanay ng mga pulis, pinarurusahan ito ng pamunuan ng PNP.
Wala namang nakikitang malisya ang palasyo sa timing ng pagpapalabas ng report ng Ateneo kahit na malapit na ang eleksyon.
Ayon kay Panelo, maari namang maglabas ang sinuman ng anumang report, anumang oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.