Unang araw ng local absentee voting naging maayos sa pangkalahatan
Maayos sa pangkalahatan ang unang araw ng local absentee voting ayon kay Comission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez.
Kahapon ang unang araw ng local absentee voting at tatagal ng tatlong araw o hanggang bukas, Mayo 1 alinsunod sa Comelec Resolution No. 10443.
Ang botohan ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa inisyal na ulat na kanilang natanggap, sinabi Jimenez na walang nagreklamo sa proseso ng botohan at wala ring naitalang aberya sa polling centers.
Ang local absentee voting ay ang paraan upang makaboto ang ilang mga opisyal at kawani ng gobyerno, mga sundalo, pulis at maging media na may election duties sa mismong araw ng halalan.
Ani Jimenez, sa kabuuang 35,604 na aplikasyon para sa local absentee voting ay 29,321 ang naaprubahan.
Karamihan sa local absentee voters o 20,064 ay mula sa AFP, sinundan ito ng PNP na may 7,576 at ang 460 ay mula sa media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.