Posibilidad ng magnitude 8 na lindol ibinabala ng Phivolcs sa Surigao del Norte
Hindi iniaalis ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng magkaroon ng isang magnitude 8 na lindol sa Surigao Del Norte dahil sa serye ng mga pagyanig sa nasabing lalawigan.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa higit sa 600 mga aftershocks ang kanilang naitala kasunod ng magnitude 5.5 na lindol noong nakaraang linggo.
“Kasi ‘pag mga ganyang kumpol-kumpol na lindol, although may 5.5, marami mga magnitude 5 or 4, parang tinatawag naming earthquake swarm ‘yan at dalawa ang possible diyan eh, unang-una, ganyan lang yan na earthquake swarm—nangyari ‘yan diyan sa ibang bahagi ng Philippine trench, off shore din ng Surigao del Norte, nung early this year, nagkaroon ng magnitude 6-something diyan sa katapusan ng activity—or minsan ay ganyan lang, ganyan lang kaliit,” ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum sa panayam ng Radyo Inquirer.
Sinabi ng opisyal na ang isang magnitude 8 na lindol ay posibleng sundan pa ng tsunami.
“Ang binabantayan po namin kung may pattern, mahirap magsabi na may pattern sa ngayon, ang pattern po na dumadami at lumalakas, may ibig sabihin ‘yon baka tumuloy sa malaki, eh wala pa kaming nakikita na pattern; pero kahit wala pong pattern, minsan sumusulpot yung malaki,” dagdag pa ni Solidum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.