14 katao patuloy na nawawala kaugnay sa lindol sa Central Luzon ayon sa NDRRMC
Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi nila ititigil ang operasyon hanggang hindi pa nakikita ang mga pinaniniwalaang naguhuan sa naganap na lindol sa Central Luzon noong April 22.
Sa kasalukuyan ay labing-apat na katao pa rin ang sinasabing nawawala kaugnay sa naganap na lindol.
Nananatili naman sa 16 ang death toll samantalang 86 ang mga naitalang nasaktan sa naganap na magnitude 6.1 quake.
Ipinaliwanag rin ng NDRRMC na 358 pamilya ang direktang naapektuhan ng lindol o katumbas ng 1,938 katao.
Umaabot naman sa 200 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.
Nagresulta rin sa pansamantalang pagkaputol sa serbisyo ng kuryente ang nasabing pagyanig na naramdaman sa malaking bahagi ng Luzon.
Sinabi rin ng NDRRMC sa kanilang ulat 67 mga bahay ang totally damaged samantalang 54 naman ang bahagyang nagkaroon ng sira.
Ang lalawigan ng Pampanga ang siyang pinaka-grabeng napinsala ng naganap na lindol ayon pa sa NDRRMC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.