SWS: Satisfaction rating ni VP Robredo tumaas ng 15 puntos
Tumaas ng 15 puntos ang net satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo sa unang kwarter ng 2019 ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Mula sa ‘moderate’ na +27 noong December 2018 ay nagtala ang bise president ng +42 na net satisfaction rating na nasa kategoryang ‘good’.
Animnapu’t tatlong porsyento ng mga Filipino ang nasisiyahan sa pagganap ni Robredo sa kanyang tungkulin at 21 porsyento ang hindi nasisiyahan para maitala ang +42 net satisfaction rating.
Ang 15 puntos na pagtaas ay dahil sa 26 puntos na pagtaas sa Balance Luzon, 17 puntos na pagtaas sa Visayas, dalawang puntos na pagtaas sa Mindanao habang 2 puntos ang ibinaba sa Metro Manila.
Samantala, nanatili sa ‘very good’ ang satisfaction rating ni Senate President Tito Sotto sa +61 na kapareho sa naitala noong December 2018.
Nanatili naman sa ‘poor’ ngunit tumaas ng apat na puntos ang net satisfaction rating ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa -17 nitong March 2019 kumpara sa -21 noong December 2018.
Si Chief Justice Bersamin naman ay nakapagtala pa rin ng ‘moderate’ na satisfaction rating na +14 nitong March 2019 kumpara sa +11 noong December 2018.
Ang First Quarter survey ay isinagawa noong March 28-31 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 adults sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.