Matapos ang 6.1 magnitude na lindol sa Luzon, pagbuo ng Department of Disaster Resilience iginiit ni Sen. Angara
Mahalagang magkaroon ng mas makapangyarihang ahensya ng gobyerno na tututok sa mga trahedya o sakuna.
Ito ang sinabi ni Senator Sonny Angara matapos ang 6.1 magnitude na lindol na tumama sa Luzon kahapon kung saan marami ang nasawi at nasugatan.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay si Angara sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, dulot ng naturang trahedya.
Sinabi ni Angara na dapat may hiwalay na ahensya ng gobyerno na bubuo ng mga kaukulang hakbang sa pagresolba sa malubhang epekto ng natural disasters.
“Paalala ito sa atin na dapat na tayong kumilos at magtatag ng isang institusyon na malayang magpapatupad ng kanyang responsibilidad partikular sa mga krisis tulad nito. Ang ahensyang ito ang bubuo ng mga kaukulang hakbang sa pagresolba sa malubhang epekto ng natural disasters at siya ring sisiguro na maliligtas ang buhay ng mga apektado,” Ayon kay Angara.
Noong nakaraang taon, isinulong ni Angara ang Senate Bill 1994 o ang Disaster Resilience Act, isang panukala na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience na mangunguna sa pagharap sa mga trahedya at emergency situations saan mang panig ng bansa.
Ang naturang panukala ay nananatiing nakabimbin sa Senate Committee on National Defense and Security, bagaman naipasa na ang counterpart bill nito sa Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.