Media personnel sa destab matrix hindi kakasuhan ng Malacañang
Kinumpirma ng Malacañang na galing kay Pangulong Rodrigo Duterte ang matrix na ouster plot o tangkang destabilisasyon sa kanyang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kapareho ng matrix ni Duterte ang matrix na isinulat ni Special Envoy for International Public Relations Dante Ang sa Manila Times.
Sa nasabing artkulo ay nagsasabwatan umano ang Rappler, Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of People’s Lawyer (NUPL) na sinasabing kaalyado ng Communist Party of the Philippines para patalsikin sa puwesto ang punong ehekutibo.
“The source of that (matrix) is from the Office of the President, from the President himself. I don’t know how he got one, but it’s coming from the President,” pahayag ni Panelo.
Nilinaw rin ng kalihim na hindi ang Office of the President ang nagbigay ng kopya ng matrix kay Ang.
Ayon kay Panelo, galing sa ibang bansa ang intelligence report na hawak ni Pangulong Duterte.
Wala naman aniyang problema sa usaping legal ang nakuhang intelligence report ng pangulo dahil maituturing lamang itong sharing ng intelligence report.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo nawalang balak ang Malacañang na sampahan ng kaso sa ngayon ang mga kagawad ng media na nasa matrix.
Hahayaan na lamang anyang pamahalaan ang mga kagawad ng media na gawin ang kanilang gusto.
Saka lamang aniya maghahain ng kaso ang gobyerno laban sa ilang kagawad ng media kung may plano na ng asasinasyon sa pangulo o pagpatay.
Kaya aniya inilabas ng Malacañang ang naturang matrix para ipabatid sa mga kritiko at sa publiko na batid ng pangulo ang kanilang mga plano.
Wala rin aniyang balak ang palasyo na bantayan ang galaw ng mga kagawad ng media na nagbabalak na pabagsakin ang administrasyon.
Hindi rin aniya magsasagawa ng loyalty check ang gobyerno sa mga pulis at sundalo kung hinihikayat na ang mga ito na umanib sa destabilisasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.