Mga akusasyon laban sa INC, haka-haka lang – Zabala
Pinabulaanan ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo ang mga akusasyong ibinabato sa kanilang sekta dahil pawang sabi-sabi lamang at wala namang ebidensyang nagpapatunay sa mga ito.
Ayon sa pahayag na inilabas ni Edwil Zabala, binuo lamang ang mga nasabing alegasyon tungkol sa katiwalian laban sa kanilang simbahan at mga pamunuan nito, para sirain ang kanilang reputasyon at gumawa ng hidwaan sa pagitan ng mga miyembro nito.
Dahil dito, tiniyak ni Zabala sa lahat ng mga mamamayan at lalo na sa kanilang mga miyembro na hindi sila titigil sa pagtatanggol sa kanilang simbahan at na patuloy nilang ipagdarasal ang mga naninira sa kanila upang magkaroon sila ng kaliwanagan.
Aniya, ginagamit lamang ng mga naninira sa INC ang media para ipakalat sa publiko ang kanilang mga akusasyon sa kanilang simbahan lalo na sa kanilang Sanggunian na wala namang basehan o sabi-sabi lamang.
Tinukoy ni Zabala ang lumabas na isyu laban sa kanila kamakailan lamang tungkol sa maanomalyang mga itinatagong yaman umano ng INC sa Cayman Islands at ang hindi nito pagbabayad ng tamang buwis sa US International Revenue Service (IRS).
Matatandaang sinumbong umano ng dating INC minister sa Amerika na si Vincent Florida ang sekta sa IRS dahil sa mga isiniwalat niyang iregularidad.
Pero noong nakaraang linggo, nilinaw ng IRS sa pamamagitan ni Special Agent Arlette Lee na wala namang kaso ng tax fraud o tax offense ang inihain laban sa sinumang opisyal ng INC sa anumang korte.
Sinabi rin ni Zabala na bigo rin si Florida na makapaglabas ng ebidensyang magpapatunay sa mga isiniwalat niya tungkol umano sa mga private jets ng INC, pero umamin aniya ito na hindi niya kayang patunayan ang sinasabing isyu pero iyon ang kaniyang napag-alaman.
“I cannot attest to that, but that’s what I heard,” sabi ni Florida, ayon kay Zabala.
Pinatunayan rin ni Zabala na ang Court of Appeals na mismo ang nagsabing kulang sa ebidensya ang mga kasong illegal detention, harassment at coercion na isinampa nina dating ministrong si Isaias Samson Jr. at dating miyembrong si Jose Norlito Fruto laban sa INC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.